Isang 60-anyos na ama ang nasawi matapos siyang pagtatagain ng kanyang sariling anak sa Purok Tisa, Barangay Talandang, Tugbok District, Davao City, noong Pebrero 4, 2025, bandang alas-7 ng gabi.

Ayon sa pulisya, kinilala ang biktima bilang si “Rolando,” habang ang suspek ay ang kanyang anak na si “Ray,” 26-anyos.

Base sa imbestigasyon, galing umano sa isang birthday party ang mag-ama. Pagdating sa bahay ng kapatid ng suspek, bigla na lang nagkaroon ng kaguluhan.

Ayon sa kapitbahay na si “Eliza,” narinig niya ang ingay at nakita ang duguang suspek na lumabas ng bahay.

“Wala na, tinaga ko na si Papa kasi inunahan niya ako,” ani umano ni Ray bago niya itinapon ang itak.

Ngunit ayon sa 14-anyos na apo ng biktima, si Ray mismo ang unang sumugat sa kanyang sarili.

Sa ngayon, nagpapagaling si Ray sa ospital dahil sa mga natamong sugat habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.