Naaresto ang isang drug den sa isinagawang buy-bust operation habang apat naman ang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa ipinagsanib na puwersa ng PDEA Isabela Provincial Office at Ballesteros Police Station sa kahabaan ng Ruelos Street, Purok 7, Barangay Ammubuan, Ballesteros, Cagayan, bandang 8:40 ng gabi noong Nobyembre 4, 2025.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 1 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6,800, at 150 gramo ng tuyong dahon at bunga ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱18,000.
Nakumpiska rin ang buy-bust money, limang (5) cellphone (Techno Spark Go blue, Vivo V40 Lite pink, Techno Spark Go black, Infinix white, at Oppo black), at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kinilala ang mga naaresto na sina:
Alias “Jek,” 32 anyos,
Alias “Oman,” 27 anyos, kapwa residente ng Brgy. Ammubuan;
Alias “Jo,” 44 anyos, taga-Cabuluan East; at
Alias “Junie,” 31 anyos, taga-Sta. Cruz, lahat mula sa Ballesteros, Cagayan.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay PDEA Regional Director Gil Cesario P. Castro, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng PDEA Region 2 sa pagsugpo sa ilegal na droga, pagpigil sa operasyon ng mga drug den, at pagpapanatili ng kaligtasan ng mga komunidad sa buong Cagayan Valley.

















