Nasakote ng mga pulis ang apat na indibidwal matapos mahuli sa isang checkpoint sa Semba, Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, pasado alas-2 ng madaling araw ngayong araw, dahil sa pagdadala ng kahon-kahong smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P1,766,250.
Ayon sa ulat ng PNP BARMM, ang mga nahuli ay sina Sawi, 55 taong gulang; Hamidin, 19; Suad, 22; at Anwarudin, 22, na pawang mga residente ng Pagatin, Datu Salibo, Maguindanao del Sur. Nahuli ang mga ito habang sakay ng isang minivan na dumadaan sa checkpoint.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad, natagpuan ang mga kahon ng smuggled cigarettes na walang kasamang valid documents o BIR barcodes na magpapatunay ng lehitimong pagbili. Dahil dito, agad silang inaresto.
Ayon sa PNP, isinagawa ang intelligence-driven checkpoint operation kasama ang Datu Odin Sinsuat PNP at 1st PMFC matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa aktibidad ng mga smuggler.
Kasulukuyan nang nakakulong ang apat na nahuli at sasampahan ng kaukulang kaso kaugnay sa paglabag sa batas laban sa smuggling.

















