Aktibong binabantayan ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) ang boluntaryong recall ng ilang batch ng NAN OPTIPRO at NANKID OPTIPRO infant formula ng Nestlé Philippines bilang hakbang ng pag-iingat matapos matukoy ang potensyal na isyu sa kaligtasan at kalidad ng produkto.
Ayon sa FDA, ang pagkilos ng kumpanya ay kaugnay ng iniulat na isyu sa raw material mula sa supplier ng manufacturer. Wala pa aniyang umiiral na tiyak na limitasyon o pamantayan sa kaligtasan para sa nasabing raw material. Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng FDA ang saklaw ng problema at posibleng epekto nito sa kalusugan.
Kasabay ng recall, nakikipag-ugnayan ang FDA sa Nestlé upang tiyakin ang mabilis at kumpletong pag-alis ng mga apektadong produkto mula sa physical at online retail outlets. Sinisiguro rin ng ahensya na maayos ang distribusyon ng impormasyon tungkol sa recall sa buong supply chain.
Sa ngayon, wala pang iniulat na kaso ng karamdaman o masamang epekto na may kaugnayan sa mga apektadong produkto. Gayunpaman, ipinapayo ng FDA sa mga consumer na suriing mabuti ang batch number ng produkto, itigil agad ang paggamit ng anumang apektadong item, at sundin ang mga tagubilin ng manufacturer para sa recall.
Dagdag pa ng FDA, maglalabas sila ng opisyal na advisory upang magbigay ng karagdagang impormasyon at update sa publiko. Patuloy rin ang ahensya sa post-market surveillance, inspeksyon, at pagsusuri ng mga produkto upang masiguro na lahat ng produktong regulado sa merkado ay ligtas, may kalidad, at sumusunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Ayon kay Atty. Paolo S. Teston, Director General ng FDA, nananatiling prayoridad ng ahensya ang proteksyon sa kalusugan ng publiko, lalo na sa mga sanggol at bata, at ang pagbibigay ng transparent at maaasahang impormasyon sa mga consumer.

















