Nagkaroon ng matinding palitan ng putok bandang 2:40 ng hapon noong Nobyembre 6, 2025 sa Sitio Nimao, Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur, na nagresulta sa pagkasugat ng isang lalaki.
Kinilala ang biktima na si Jordan Maden, 30 taong gulang, isang tindero ng kahoy, may-asawa, at residente ng Lambayong, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat ng Datu Piang Municipal Police Station (MPS), isang concerned citizen ang nag-ulat ng nagaganap na putukan sa lugar. Agad na rumesponde ang mga pulis at, sa kanilang pagdating, ay nakita nila ang ilang hindi pa nakikilalang mga armadong indibidwal na nagpapalitan ng putok.
Matapos ang ilang sandali, tumakas ang mga suspek sa iba’t ibang direksyon. Sa lugar ng insidente, natagpuan ng mga pulis ang biktimang si Maden na nakahandusay at sugatan.
Agad siyang isinugod ng mga rumespondeng pulis sa Samama Hospital sa Datu Piang para sa agarang lunas. Subalit, ayon sa attending physician, kinakailangan siyang ilipas sa Provincial Hospital sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur para sa mas masusing pagsusuri at gamutan.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Datu Piang MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa naturang pamamaril.
Nakipag-ugnayan na rin ang Datu Piang MPS sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) para sa pagpapatuloy ng pursuit operations laban sa mga responsable sa insidente.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa mga mamamayan na makipagtulungan at agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang impormasyon na makatutulong sa pagkakadakip ng mga suspek.

















