Isang armadong engkuwentro ang sumiklab sa Sitio Lalaog, Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dakong alas-5 ng umaga kaninang Miyerkules, Oktubre 15, 2025, matapos ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang most wanted na personalidad na kinilalang si Samsudin Usman alyas “Krega”.
Batay sa ulat ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, katuwang ang mga tauhan ng Maguindanao del Norte Police Mobile Force Company (PMFCs), Regional Mobile Force Battalion 14A (RMFB 14A), PRO BAR, at MBLT5, nagtungo ang mga operatiba sa tahanan ng suspek upang ipatupad ang warrant of arrest.

Subalit sa halip na sumuko, agad umanong nagpaputok ng baril si Usman kasama ang kanyang mga kasamahan, dahilan upang gumanti ng putok ang mga otoridad. Nagresulta ito sa maikling bakbakan na ikinasawi ni Samsudin Usman, na siyang Municipal Level Top 1 Most Wanted at Provincial Level Top 4 Most Wanted sa Maguindanao del Norte.
Kasama rin niyang napatay ang kanyang kasamahan na nakilalang alias “Piong”, na nasugatan sa engkuwentro at kalauna’y binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC).
Samantala, isa pang suspek na kinilalang si Barry, residente rin ng Brgy. Semba, ay naaresto ng mga awtoridad.
Sa panig ng pamahalaan, tatlong pulis ang nasugatan sa operasyon. Nakarekober ang mga otoridad ng ilang matataas na uri ng armas, bala, at mga hinihinalang ilegal na droga mula sa pinangyarihan ng insidente. Kabilang dito ang Bushmaster rifle, M16 rifle, caliber .45 pistol, mga komunikasyon kagamitan, at labing-dalawang heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga sa ₱68,000 ayon sa Dangerous Drugs Board.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente habang pinaiigting ang kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga sa buong Maguindanao del Norte.