Nakadiskubre ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police ng isang arsenal na umano’y pag-aari ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Exciban, Labo, Camarines Norte, noong umaga ng Enero 9.

Base sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang 16th Infantry Battalion at Labo Municipal Police Office matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente.

Sa inspeksyon bandang alas-9 ng umaga, nasamsam ang dalawang caliber .30 machine guns, apat na M16 rifles, dalawang M14 rifles, dalawang M203 grenade launchers, 200 bala, isang improvised anti-personnel explosive device, 22 granada, isang roll ng detonating cord, at 10 magasin.

Ayon sa mga awtoridad, ang pagkakadiskubre ng armas ay bahagi ng patuloy na pagsisiyasat sa mga aktibidad ng NPA sa lugar. Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga at dokumentasyon sa mga narekober na kagamitan upang matukoy ang iba pang detalye ukol sa operasyon.

Photo from Kalinaw News