Patuloy ang masusing paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Kampilan Division, nakikipag-ugnayan na ang militar sa COMELEC, PNP, Coast Guard, at iba pang law enforcement agencies sa pamamagitan ng Joint Security Control Centers. Ito aniya ang nagsisilbing mekanismo upang mapagtalakayan at maresolba ang mga usapin hinggil sa seguridad ng halalan.
Dagdag pa ni Orbon, mahalaga rin ang koordinasyon sa mga kapatid mula sa MILF at MNLF. Naniniwala umano sila na sa pagtutulungan ng AFP, MILF at MNLF ay mas lalaki ang posibilidad na magiging mapayapa at matagumpay ang unang parliamentary election sa rehiyon.
Samantala, tuloy-tuloy rin ang decisive military operations laban sa mga natitirang teroristang grupo upang hindi makapanggulo sa darating na halalan.
Kaugnay nito, may nakahandang mga aktibidad gaya ng media forums upang mas mapalakas ang pagbabahagi ng tamang impormasyon, at ang peace covenant signing at candidates’ forum kung saan inaasahang ipapahayag ng mga kandidato ang kanilang sinseridad para sa isang maayos at tahimik na eleksyon.
Binigyang-diin ni Orbon na humiling din sila ng karagdagang suporta mula sa Western Mindanao Command para palakasin ang seguridad. Ngunit paglilinaw niya, hindi ito dahil sa inaasahang kaguluhan, kundi hakbang upang masiguro ang kaligtasan at tagumpay ng eleksyon.