Nanindigan si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na mananatili siya sa The Hague, Netherlands, hangga’t hindi siya personal na pinapauwi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Roque, layon niyang suportahan si Duterte sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC), kaya’t hindi niya balak umalis sa bansa.

Ang kanyang pahayag ay ginawa matapos magsalita ang legal counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, na nagsabing hindi nais ng dating pangulo na maging bahagi ni Roque sa kanyang kaso. Idinagdag ni Kaufman na mas mabuting harapin muna ni Roque ang kanyang sariling mga legal na usapin sa Pilipinas.

Gayunpaman, mariing iginiit ni Roque na magpapatuloy siya sa pagbibigay suporta kay Duterte. Nilinaw rin niya na wala siyang personal na alitan kay Kaufman at hindi siya involved sa anumang hidwaan kasama nito.

Aniya, limang buwan na niyang hawak ang kaso ni Duterte at wala pa siyang inilabas na anumang reklamo o isyu hinggil sa kanyang pamamahala sa nasabing kaso.