Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO2 Isabela Provincial Office ang dalawang indibidwal, kabilang ang isang high-value target, sa isang buy-bust operation noong Disyembre 1, 2025, bandang 3:40 PM sa Purok 1, Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa ulat, nakumpiska sa operasyon ang dalawang medium heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 10 gramo ng shabu, na may halagang humigit-kumulang Php 68,000 sa merkado. Nakuha rin ang isang tan Glock 17 9mm pistol, tatlong magazine, 34 na bala, Php 128,000 cash, dalawang digital weighing scale, isang Vivo Y27 mobile phone, isang black Taran airsoft rifle na may tatlong magazine, assorted drug paraphernalia, at isang blue Toyota Vios.
Kinilala ang mga naarestong suspek bilang Alias “Arnold,” 55 anyos, mula Cainta, Rizal, at Alias “Mel,” 43 anyos, manager sa ALL HOMES, residente ng Santiago City, Isabela.
Ang operasyon ay pinangunahan ng magkakasanib na puwersa mula sa PDEA RO2 Isabela Provincial Office, Cauayan City Police Station, CIT-Santiago RIU2, RMU2, PDEU-Isabela PPO, at PNP DEG SOU2.
Sasampahan ng kaso ang mga suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) kaugnay ng Section 26 (Attempt or Conspiracy) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia).

Ayon kay PDEA RO2 Regional Director Gil Cesario P. Castro, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng kanilang patuloy na pagsugpo sa illegal drug trade at hangarin nilang mapanatiling ligtas at drug-free ang mga komunidad sa buong Region 2.

















