Nalalagay sa alanganin ang nakatakdang First Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong taon matapos kuwestiyunin sa Supreme Court of the Philippines ang legalidad ng bagong kapapasang Bangsamoro Autonomy Act No. 86 o BAA 86.

Dumulog sa Korte Suprema ang tatlong concerned citizens mula sa BARMM na sina Nasif Marangit, Samsodin Amella, at Datuan Magon Jr., upang magsampa ng petisyon for certiorari laban sa nasabing batas na ipinasa ng Bangsamoro Transition Authority Parliament.

Sa kanilang petisyon, hinihiling ng mga nagreklamo ang pag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO), Writ of Preliminary Injunction, at/o Status Quo Ante Order upang pansamantalang pigilan ang implementasyon ng batas.

Partikular na kinukuwestiyon ng mga petisyoner ang Section 4, paragraphs 2, 3, at 7 ng BAA 86, na nais nilang ideklarang iligal at labag sa umiiral na batas.

Ayon sa kanila, may indikasyon umano ng gerrymandering sa naturang probisyon na anila’y salungat sa Bangsamoro Organic Law, at kahalintulad ng mga isyung tinalakay noon ng Korte Suprema sa desisyon nito hinggil sa BAA 77.

Binanggit din sa petisyon ang ilang lugar na umano’y apektado ng gerrymandering, kabilang ang Kapai sa Lanao del Sur, gayundin ang Barangay Poblacion Uno at Poblacion Siete sa Cotabato City na isinama sa District 3 ng Maguindanao del Norte. Ipinunto rin ng mga nagpetisyon na ang orihinal na pitong parliamentary seats para sa Sulu ay hindi umano dapat ilaan sa ibang lalawigan o lungsod batay sa probisyon ng BOL.