Nakatakdang sampahan ng kaso ang lalaking suspek sa brutal na pananaga sa isang babae sa Purok Masagana Uno, Barangay Pagalungan, Polomolok, South Cotabato na nagresulta sa pagkaputol ng kaliwa nitong braso.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si alyas Maricar, 49-anyos, habang ang suspek ay si alyas Mario, nasa legal na edad, residente ng Glan, Sarangani Province, at kapatid ng live-in partner ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ng Polomolok Municipal Police Station, nangyari ang insidente pasado alas-11 ng gabi noong Lunes, Hulyo 28, 2025, habang nag-iinuman ang tatlo.
Umalis saglit si alyas Don, live-in partner ng biktima, para bumili ng sigarilyo.
Sa pagbabalik niya, tumambad sa kanya ang duguang si Maricar na humihingi ng saklolo matapos itong tagain ng suspek.
Agad dinala sa ospital ang biktima, habang mabilis na tumakas si Mario sakay ng motorsiklo ni Don patungo sa hindi pa matukoy na lugar.
Sa salaysay ng biktima, dati na silang nagkaroon ng pagtatalo ng suspek ngunit hindi niya inaasahan na hahantong ito sa pananakit.
Patuloy siyang nagpapagaling sa Polomolok General Hospital.
Ayon kay Police Lt. Col. Harold Cornel, hepe ng Polomolok PNP, pormal na nilang isasampa ang kaso laban kay alyas Mario, na patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad.