Kinukondena ngayon ang isang babae sa Atlantico, Colombia matapos lumabas na sunod-sunod nitong ginawang kasintahan ang pitong senior citizen na pensionado sa kanilang lugar.
Ang naturang babae ay nakilalang si Lina, tubong Barranquilla City.
Ayon kay Lina, palagi umanong pumapalpak ang kanyang mga naging relasyon sa mga lalaking kaedad niya. Kaya naman, naisip niyang makipagrelasyon sa mga mas nakatatanda sa kanya para umano makahanap ng emosyonal at pinansyal na katatagan sa kanyang buhay pag-ibig.
Nalaman daw ni Lina na madaling mahulog ang loob ng matatanda sa kanya, lalo na’t dati raw ay may matandang kapitbahay siyang nanligaw sa kanya noon.
Para makahanap ng mga pensionado, sinasadya ni Lina ang mga lugar kung saan kadalasang tumatambay ang mga malulungkot at walang asawa nang matatandang lalaki.
Dahil sa kanyang estratehiya, nakaakit siya ng pitong nobyo na kinilalang sina Carlos, Simon, Jesus, Pablo, Manuel, at dalawa pang hindi pinangalanan.
Sa kabila ng batikos sa kanya, iginiit ni Lina na ini-enjoy lang niya ang buhay, at habang wala namang reklamo ang kanyang mga nobyo, ipagpapatuloy pa rin niya ang pakikipagrelasyon sa mga ito.