Dalamhati imbis na kasiyahan ang bungad sa pamilya ng isang babae na nagdadalang tao matapos itong aksidenteng mahulog sa isang pampasaherong jeep sa Sitio Capareda, Acmonan sa bayan ng Tupi, South Cotabato kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Tupi PNP Deputy Chief of Police Lt. Richard Ho ang biktima na si alyas Ana, 23 anyos at tatlong buwang buntis na taga bayan ng Malungon, Sarangani.
Ayon kay Lt. Ho, pababa na ang biktima sa jeep ng ma’out of balance’ ito at nahulog dahilan upang mabagok ang ulo nito sa semento.
Ang nasabing jeep ang naghahatid sa mga empleyado ng isang plantasyon at kasama rin nito ang kanyang live-in partner nang maganap ang masaklap na kamatayan ng biktima.
Dead on arrival ang buntis ng isugod ito sa pagamutan at agad naman na inihatid ang bangkay sa mga kaanak nito sa bayan ng Malungon upang paglamayan.