Inaresto ng Midsayap Municipal Police Station sa koordinasyon ng Cotabato Provincial Cyber Response Team (CPCRT–RACU 12) si alias “Rose,” 38, dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng registered SIM cards online.
Ayon sa ulat, isinagawa ang entrapment operation sa ilalim ng pamumuno ni PCPT Jonie T. Ocampo, kasabay ng supervision ni PCOL Alvin M. Martin, Chief ng Regional Anti-Cybercrime Unit 12, matapos ma-monitor ang Facebook account ng suspek na nagbebenta ng SIM cards.
Nakuha sa operasyon ang marked at boodle money, isang DITO SIM card bilang buy-bust item, 89 rehistradong DITO SIM cards, at isang Oppo N94 cellphone.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang karapatan, na-dokumento, at sumailalim sa medical examination sa Dr. Amado B. Diaz Provincial Foundation Hospital bago ilagay sa kustodiya ng pulisya.
Ang pagkakaaresto ay kaugnay ng paglabag sa Section 7 ng RA 11934 kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

















