Nagreklamo ang isang babae matapos umano siyang maharass habang sakay ng pampasaherong bus patungong General Santos City!
Ayon sa salaysay ng biktima, bandang alas-10 ng umaga nang umupo sa tabi niya ang isang lalaking nagbebenta ng mani sa loob ng YBL bus sa bahagi ng Polomolok, South Cotabato.
Sa una raw ay inakala niyang normal lamang ang kilos ng lalaki dahil may dala itong planggana ng mani, ngunit ilang sandali pa ay nagsimula umano itong dumikit sa kanyang braso at ipatong ang kamay sa kanyang bag, bago dahan-dahang itinulak papunta sa kanyang dibdib.
Dahil sa matinding takot, hindi siya nakapagsigaw o nakagalaw, at tanging panginginig na lang ng kanyang mga kamay at tuhod ang naramdaman.
Pagdating sa isang checkpoint, bumaba sana siya ngunit hindi agad nakapagsumbong sa mga awtoridad dahil sa labis na kaba.
Makalipas ang ilang minuto, muli umanong naging agresibo ang lalaki at sinubukang hawakan ang kanyang mga binti.
Nang malapit na sa Bulaong Terminal, itinulak ng biktima ang kamay ng lalaki at sinigawan ito ng, “Unsa ka ya? Ganina pa ka! Wala ka anak nga babae? Wala ka asawa?” dahilan upang agad itong bumaba ng bus at tumakas.
Ibinahagi ng biktima ang kanyang karanasan upang magsilbing babala sa kapwa kababaihan na laging maging alerto sa mga pampublikong sasakyan at huwag manahimik sa harap ng pang-aabuso.
Ayon pa sa kanya, “We should never let fear or shock silence us. What they’re doing is not okay — it’s harassment.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mr. Bernard Bolanio, operations manager ng YBL, pinaiimbestigahan na nila ang insidente at nangakong gagawa ng hakbang upang hindi na maulit pa ang pangyayari.
Samantala, hinikayat naman ng mga awtoridad ang sinumang makaranas ng ganitong insidente na agad magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang mapanagot ang mga salarin.

















