Isang emosyonal na tagpo ang nasaksihan sa bayan ng Kalamansig matapos boluntaryong sumuko sa militar ang isang babaeng miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG), habang buhat ang kanyang 21-araw na sanggol. Kasabay ng kanyang pagsuko, naaresto rin ang isa pa niyang kasamahan sa isang military operation na isinagawa noong Hulyo 20, 2025.
Ayon kay Lt. Col. Christopherson M. Capuyan, Commanding Officer ng 37th Infantry Battalion, kinilala ang naarestong rebelde na si Domingo Cranzo, alyas “Golyat” at “Pedro,” 60 taong gulang. Si Cranzo ay Vice Team Leader ng Squad 2, Platoon 2 ng SRC Daguma sa ilalim ng Far South Mindanao Region (FSMR) ng CTG.
Si Cranzo ay may kinakaharap na warrant of arrest kaugnay sa paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479), na isinampa sa Regional Trial Court Branch 1 sa Iligan City. Bukod dito, may nakabinbing kaso rin siya ng murder sa lokal na korte sa Isulan, Sultan Kudarat.
Kasama rin umano si Cranzo sa armadong grupo na nakasagupa ng militar sa madugong engkwentro noong Hunyo 19, 2025 sa Brgy. Datu Ito Andong, Kalamansig. Dahil dito, kabilang siya sa Top 4 Most Wanted Persons ng PNP sa buong Region 12.
Samantala, kinilala ang kusang sumukong babaeng rebelde sa alyas na “Haydie,” 22 taong gulang, miyembro ng Squad 1, Platoon 2 ng parehong CTG unit. Sa kanyang salaysay, iginiit niyang pinili niyang magbalik-loob dahil sa matinding pagod, tuluy-tuloy na operasyon ng militar, at pagnanais na mailigtas ang kanyang anak mula sa kapahamakan.
“Hindi ko na kayang ilagay sa panganib ang anak ko. Wala nang patutunguhan ang buhay namin sa kilusan,” ani Haydie.
Dinala si Cranzo sa Kalamansig Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon, habang si Haydie at ang kanyang sanggol ay isinailalim sa medikal na pagsusuri sa Lebak Hospital upang matiyak ang kanilang kalagayan.
Sa pahayag ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, sinabi niyang ang pagsuko ng isang inang may dalang bagong silang na sanggol ay sumasalamin sa epektibong kampanya ng pamahalaan at sa unti-unting pagkawala ng tiwala ng mga rebelde sa armadong pakikibaka.
“Pagod na sila, takot na sila, at unti-unti nang nawawala ang kanilang paniniwala sa armadong pakikibaka. Patuloy ang ating paghahatid ng makataong operasyon na magbubukas ng pintuan para sa pagbabalik-loob ng mga nalalabing kasapi ng CTG,” ani Santos.
Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na ang insidente ay hindi lamang tagumpay ng militar kundi ng bawat pamilyang Pilipino na nagnanais ng katahimikan.
“Walang inang may sanggol ang nararapat magtago sa kagubatan para mabuhay. Ang kanyang pagsuko ay sumasalamin sa kanyang pagnanais ng kapanatagan ng loob at kapayapaan—mga bagay na ninanais din ng bawat mamamayan. Sa kanyang pagbitaw sa armas, bitbit niya ang bagong simula para sa kanyang anak at ng kanilang kinabukasan,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.
Hinihikayat rin ni Gumiran ang mga nalalabing kasapi ng armadong kilusan na iwanan ang marahas na landas at yakapin ang panibagong pag-asa.
“Nandito ang pamahalaan at ang inyong Hukbong Sandatahan, handang umalalay sa inyong pagbabagong buhay,” dagdag pa niya.