Isang makabuluhang aktibidad ang isinagawa noong Martes, Mayo 27, 2025, sa Barangay Mother Bagua, Cotabato City, na may layuning palakasin ang edukasyon at pag-asa ng mga batang Badjao.
Sa pangunguna ng KGI Kutawato, katuwang ang Cotabato City Police Office (CCPO), isinagawa ang “Badjao Learning Camp: Bridging Gaps in Education and Empowerment”, na naglalayong tugunan ang mga suliraning pang-edukasyon sa komunidad ng mga Badjao.
Pinangunahan nina Police Major Pablo C. Boloy, OIC ng Community Affairs and Development Unit (CCADU), at PEMS Mary Jane B. Perez, Chief Clerk, ang naturang aktibidad, kasama sina Pat Alfernie D. Beltejar at iba pang kawani ng CCADU. Isinagawa ito sa ilalim ng direktiba ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director ng Cotabato City Police.
Kabilang sa mga aktibidad ang storytelling, pagguhit, at interactive sessions na naglalayong magturo ng mahahalagang pagpapahalaga at hikayatin ang patuloy na pag-aaral ng mga bata. Namahagi rin ang mga pulis ng mga gamit pang-edukasyon sa masaya at makabuluhang paraan.
Ipinakita sa aktibidad ang lakas ng pagtutulungan ng mga institusyon sa pagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon at sa paghubog ng mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Badjao.