Pinagtibay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kampanya nito para sa kapayapaan at seguridad sa Mindanao kasabay ng pormal na pag-upo ni Major General Donald M. Gumiran bilang bagong Commander ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) sa Change of Command Ceremony na idinaos noong Oktubre 20, 2025 sa Camp Navarro, Zamboanga City, sa pangunguna ni AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr.

Si MGen Gumiran, na kilala sa kanyang malawak na karanasan sa operasyon at peacebuilding bilang dating Commander ng 6th Infantry Division, ang pumalit kay Brigadier General Romulo D. Quemado II, na nagsilbi bilang acting commander at ngayon ay itinalaga bilang Deputy Commander ng WESMINCOM. Ang dalawang opisyal ay kapwa produkto ng Philippine Military Academy “Tanglaw-Diwa” Class of 1992.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Gen. Brawner ang buong tiwala sa kakayahan ni MGen Gumiran na pamunuan ang WESMINCOM sa pagpapatupad ng mga operasyon para sa kapayapaan at seguridad sa kanlurang bahagi ng Mindanao. Pinuri rin niya si BGen Quemado dahil sa matatag na pamumuno at dedikasyon sa serbisyo habang pansamantalang humawak ng komando.

Itinuturing ng AFP ang seremonyang ito bilang malinaw na pagpapakita ng patuloy na pangako sa maayos at propesyonal na transisyon ng liderato, bilang bahagi ng layunin nitong matiyak ang katatagan, kapayapaan, at kaayusan hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa.

Photo credits to SSg Ambay PA / PAOAFP