Umiiyak dahil sa lamig at kagat ng mga langgam sa lupa.

Ito ang mga karanasang hindi maaring makalimutan sa pagtanda ng isang bagong silang na sanggol na inabandona sa Barangay Concepcion, Makilala sa Cotabato kahapon.

Sa salaysay ng mga residente na nasa lugar, alas 12 pa lamang ng madaling araw ay may naririnig na silang palahaw ng iyak ng isang sanggol ngunit di nila ito pinapansin sa pagaakalang tiyanak o anuman ang naririnig nilang iyak.

Makalipas ang ilang oras, muli na naman silang nakarinig ng iyak ng sanggol at ng tignan nila ay napatda sila sa nakita nilang bata na mayroon pang umbilical cord o pusod.

Namumula na ang katawan ng kaawa awang bata dahil sa kagat ng langgam dahil sa ilalim pa ng puno ng lubi ito iniwanan ng kanyang lapastangang magulang.

Nang makita, agad naman itong idiniretso ng mga nakakita sa RHU at ito naman ay pinadede ng isang bagong panganak na ina.

Pinangalanan nila itong Joshua na sa inisyal na pagsusuri ay maayos ang kalusugan.

Nasa pangangalaga ng RHU ang nasabing sanggol at nakatakdang iendorso sa MSWD para sa kaukulang interbensyon habang iniimbestigahan kunsino ang nagiwan sa kahabag habag na sanggol.

Ito na ang ikalawang kaso ng foundling o iniwanang sanggol sa bayan ngayong 2024.