Mas pinalawak na serbisyo ang handog ngayon ng Bangsamoro Government para sa mga Persons with Disabilities (PWD) sa rehiyon matapos ang matagumpay na rehabilitasyon ng Center for PWDs sa lungsod na ito, layuning palakasin ang kanilang kakayahan at patuloy na pag-unlad.

Ipinahayag ni Minister of Social Services and Development (MSSD) Atty. Raissa Jajurie ang matibay na paninindigan ng kanilang kagawaran sa pagbibigay ng inklusibong serbisyo para sa mga nasa laylayan ng lipunan, kabilang ang mga PWD.

Ayon kay Jajurie, ang bagong gawang center ay magsisilbing modelo para sa mga susunod pang itatayong pasilidad para sa PWDs at iba pang sektor na nangangailangan ng tulong.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Chief Sandra Macacua ng MSSD Protective Services and Welfare Division ang pantay na oportunidad para sa lahat upang maabot ang kanilang buong potensyal.

Aniya, ang nasabing sentro ay sumisimbolo ng dignidad at kapangyarihang dapat tinatamasa ng bawat isa anuman ang kanilang kalagayan.

Ipinagmalaki ng MSSD na ang pasilidad ay may mga espesyal na silid para sa vocational at social rehabilitation, counseling, computer literacy, massage therapy, cookery, at functional literacy.

Mayroon din itong observation room kung saan malaya ang mga PWD na ipahayag ang kanilang damdamin at tactile guides para sa mga may kapansanan sa paningin.

Ikinagalak ni Babay Vargas, isang ina ng dalawang PWD na kasalukuyang nagsasanay sa sentro, ang mga pagbabagong dulot ng pasilidad.

Aniya, malaki ang naitulong ng libreng pagsasanay at buwanang allowance sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Hiling din ni Vargas na magkaroon ng katulad na pasilidad sa iba pang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa kasalukuyan, may 122 aktibong trainee ang sentro na tumatanggap ng pinansyal na ayuda para sa pamasahe at iba pang gastusin kaugnay ng kanilang pagsasanay.

Matatandaang noong Nobyembre 2023, pormal na isinuko ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-XII) ang dating Center for the Handicapped sa MSSD sa tulong ng pamahalaang lungsod ng Cotabato.

Ang pagtataguyod ng self-sustaining at inklusibong kaunlaran para sa mga Bangsamoro PWD at iba pang vulnerable sectors ay bahagi ng ika-12 prayoridad sa agenda ng kasalukuyang administrasyon.