Natagpuan ng mga residente ang isang bagong silang na sanggol sa loob ng paper bag pasado alas-singko ng hapon, Marso 20, sa Lanzona Subdivision, Matina Aplaya.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, may kalakip na sulat sa tabi ng sanggol na humihiling sa sinumang makakakita na alagaan ito. Ayon sa liham, pinangalanan ang sanggol na “Brian Drake” at may pakiusap na huwag palitan ang ibinigay na pangalan. Inamin din ng nag-iwan na hindi nila kayang buhayin at alagaan ang bata kaya’t napilitan silang ito’y iwan.
Humingi rin sila ng paumanhin sa taong makakakita, at umaasang maibibigay dito ang pagmamahal at pangangalaga na hindi nila kayang ibigay.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang sanggol habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.