Naglabas na ng kauna-unahang pahayag ang bagong Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Mojtaba Khamenei matapos ang kanyang pagkakatalaga sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Sa isang audio message na inilabas sa publiko, ipinahiwatig ng lider na nais ng Iran na manatiling sarado ang mahalagang rutang pandagat na Strait of Hormuz bilang bahagi umano ng kanilang estratehiya upang bigyang presyon ang kanilang mga kalaban.

Iginiit din ni Khamenei na dapat umanong alisin ng Estados Unidos ang lahat ng base militar nito sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Babala pa niya, kung hindi ito susundin ay magpapatuloy ang mga pag-atake ng Iran.

Binanggit din ng bagong lider na dapat managot at magbayad ng kompensasyon ang mga bansang itinuturing nilang kalaban. Kung hindi aniya ito mangyayari, handa ang Iran na gumanti at labanan ang sinumang magtangka na manakit sa kanilang mamamayan.

Samantala, sa kabila ng kanyang bagong tungkulin, hindi pa rin nagpapakita sa publiko si Khamenei mula nang italaga bilang pinuno ng Iran.