Itinalaga bilang bagong Commissioner ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa Central Mindanao ang dating gobernador ng North Cotabato na si Nancy Alaan Catamco.
Si Catamco, na kilala rin bilang “Diwata” ng kanyang tribong Bagobo-Obo Manobo, ay nagsilbi na rin bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng North Cotabato bago naging gobernador ng lalawigan.
Nanumpa siya sa tungkulin kahapon, Hunyo 2, sa opisina ni NCIP Chairperson Dr. Marie Grace Pascua. Ikinatuwa ni Pascua ang pagkakatalaga kay Catamco at tinawag itong mahalagang bahagi ng ahensya, lalo na sa pagsusulong ng kapakanan ng mga katutubong pamayanan.
Bilang bagong komisyoner, pangunahing adbokasiya ni Catamco ang pagtutok sa karapatan ng mga katutubo, gayundin ang pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa kanilang kaunlaran at kapakanan.