Naglabas ng General Flood Advisory ang PAGASA para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong Miyerkules, Hulyo 16, 2025, bunsod ng epekto ng Tropical Depression “Crising”.‎‎

Ayon sa ulat, alas-3:00 ng hapon, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 640 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging hanggang 45 kilometro kada oras at bugso na hanggang 55 kilometro kada oras habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.‎‎

Inaasahan ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat sa susunod na 12 oras.‎‎

Kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha ay ang mga ilog at tributaries sa mga probinsya ng Maguindanao, partikular sa mga lugar ng Nituan, Mindanao, Datu Paglas, Buluan, Matuber, Mlang, at Lower Mlang; at sa Lanao del Sur, kabilang ang Dapao at Matling.‎‎

Pinapayuhan ang mga nakatira malapit sa kabundukan at mabababang lugar na mag-ingat at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na disaster risk reduction and management councils upang maiwasan ang sakuna.