Dalawa na ang aktibong sama ng panahon sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw, ayon sa ulat ng PAGASA.
Bukod sa bagyong Dante na kasalukuyang nasa 800 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, pormal na ring nabuo bilang tropical depression ang isa pang low pressure area na pinangalanang bagyong Emong, na ngayon ay namataan malapit sa kanlurang bahagi ng Babuyan Island.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng mga ito, lalo’t may posibilidad pang lumakas ang isa pang namumuong sama ng panahon sa loob ng susunod na 24 oras.
Ayon sa weather bureau, nananatiling mataas ang tsansa ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, partikular na sa Northern at Central Luzon, dulot ng mga naturang bagyo at hanging habagat na hinihila ng mga ito.
Pinapayuhan ang publiko na maging mapagmatyag sa mga susunod na abiso mula sa PAGASA at maghanda sa posibleng epekto ng mga bagyo, lalo na sa mga lugar na mababa at madaling bahain.