Kaninang alas-tres ng madaling-araw ngayong Martes, namataan ang sentro ng bagyong “Tino” (Kalmaegi) sa karagatang sakop ng Tudela, Cebu. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 km/h malapit sa gitna at bugso na hanggang 205 km/h, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Naglabas ng Orange Warning ang PAGASA para sa Surigao del Norte (Surigao City) at Dinagat Islands, kung saan nakababahala ang pagbaha sa mabababang lugar at posibleng pagguho ng lupa sa mga bulubundukin.
Samantala, nasa ilalim ng Yellow Warning ang ilang bayan sa Surigao del Norte (Alegria, Claver, Gigaquit, Tubod, Bacuag, Malimono, Placer, Sison, Tagana-an, Socorro, San Francisco, Siargao Island, Mainit) at Camiguin, kung saan maaaring makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Makararanas ang BARMM ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat dahil sa trough o buntot ng Bagyong “Tino.”
Ayon sa PAGASA, inaasahan din ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa mga piling bahagi ng Lanao del Sur, Bukidnon, Agusan del Sur, Zamboanga Sibugay, South Cotabato, North Cotabato, Misamis Occidental, Zamboanga del Sur, Surigao del Sur, Misamis Oriental, Sarangani, Davao Occidental, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Norte, at Davao del Sur sa susunod na dalawa hanggang tatlong oras.
Patuloy ding nararanasan ang mga kundisyong ito sa mga lugar ng Sulu, Lanao del Sur (Kapatagan, Balabagan, Malabang, at iba pa), Agusan del Sur, Zamboanga Sibugay, Sarangani, South Cotabato, Davao Occidental, Sultan Kudarat, North Cotabato, Misamis Occidental, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Misamis Oriental, Maguindanao del Norte, Zamboanga City, Zamboanga del Norte, Basilan, at Tawi-Tawi.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga mababang at bulubunduking lugar na maging alerto sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga rehiyong patuloy na nakararanas ng malalakas na ulan dulot ng Bagyong “Tino.”

















