Patuloy na lumalakas at mabilis ang paglapit ng Bagyong “Uwan” sa rehiyon ng Bicol, partikular sa lalawigan ng Catanduanes. Ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ang mata ng bagyo ay namataan 195 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 175 km/h, bugso na hanggang 215 km/h, at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 35 km/h.

Sakop ng bagyo ang malawak na bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas, kung saan ang lakas ng hangin mula sa typhoon-force winds ay umaabot hanggang 800 kilometro mula sa gitna.

Itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 4 sa Catanduanes, Polillo Islands, silangang bahagi ng Albay, at ilang bahagi ng Camarines Norte at Camarines Sur, kung saan inaasahan ang typhoon-force winds (118–184 km/h) sa loob ng 12 oras na may malubhang banta sa buhay at ari-arian.

Signal No. 3 naman ang nakataas sa Metro Manila, Quezon, mga lalawigan ng Bicol, ilang bahagi ng Gitnang Luzon, at Northern Samar, na maaaring makaranas ng storm-force winds at katamtaman hanggang malubhang pinsala.

Nananatiling nakataas ang Signal Nos. 2 at 1 sa iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at hilagang Mindanao, kung saan inaasahan ang malalakas na bugso ng hangin sa susunod na 24 hanggang 36 oras.

Binalaan din ng PAGASA ang publiko sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at storm surge lalo na sa mga baybaying lugar ng Catanduanes at silangang bahagi ng Bicol. Pinapayuhan ang mga residente, lalo na sa mga lugar sa ilalim ng Signal No. 4, na maging alerto sa matitinding pag-ulan at mapaminsalang hangin.

Inaasahan ding lalakas pa ang Bagyong “Uwan” habang papalapit ito sa kalupaan, at posibleng itaas sa Signal No. 5 ang ilang lugar.