Nagbabala ang PAGASA sa malaking posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ng Tropical Depression (TD) “Verbena” na kasalukuyang tumatawid sa katimugang bahagi ng bansa.

Ayon sa General Flood Advisory No. 3 na inilabas ngayong 6:00 ng gabi (Nobyembre 24, 2025), inasahang magdadala ng “Light to Moderate Rains and Thunderstorms” ang bagyo sa susunod na 12 oras na maaaring magdulot ng pag-apaw ng mga ilog.

Kabilang sa mga lugar sa BARMM na kinakailangang mag-ingat ay ang Lanao Del Sur, partikular sa Dapao at Matling River Systems. Gayundin, mahigpit na binabantayan ang mga ilog sa Maguindanao kabilang ang Nituan, Mindanao, Dalican, Allah, Buluan, Matuber, Mlang, at Lower Mlang River Systems. Inalerto rin ang mga residente sa mga ilog at tributaries ng Sulu at Tawi-Tawi, at ang Gubauan at Kumalarang River Systems sa Basilan.

Bagama’t huling namataan ang sentro ng TD Verbena sa bisinidad ng Jabonga, Agusan del Norte, ang sirkulasyon at ang epekto ng Shear Line ay patuloy na nagpapalakas ng pag-ulan sa rehiyon ng BARMM. Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 45 KPH at pagbugso na aabot sa 75 KPH habang kumikilos ito patungong West Northwestward sa bilis na 30 KPH.

Dahil dito, mahigpit na ipinapayo ng PAGASA sa mga residente ng kabundukan at mabababang lugar na manatiling alisto at magsagawa ng agarang precautionary measures upang maiwasan ang anumang sakuna dulot ng baha at posibleng landslide. Kinakailangang makinig at sumunod ang publiko sa payo ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils.