Isang insidente ng illegal discharge of firearm ang naiulat bandang alas-7:00 ng gabi noong Oktubre 16, 2025, sa Sitio Labo, Barangay Tugal, Kadayangan, Special Geographic Area (SGA).
Batay sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Solaiman S. Sumlay, 56 anyos, may asawa, isang retiradong sundalo at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa paunang imbestigasyon, kasalukuyang naghahapunan ang pamilya Sumlay nang biglang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang tirahan. Pinaniniwalaang ang bahay ng biktima ang pangunahing target ng pamamaril.
Dahil sa naturang insidente, nasira ang ilang bahagi ng bahay at mga nakaparadang sasakyan sa labas ng kanilang tahanan matapos tamaan ng mga ligaw na bala. Sa kabutihang-palad, walang nasugatan o nasawi sa pangyayari.
Patuloy pang ina-assess ang halaga ng pinsala at tinutukoy rin ang may-ari ng mga nadamay na sasakyan.
Ayon sa Kadayangan Municipal Police Station (MPS), nagpapatuloy ang follow-up operation upang matukoy at maaresto ang mga salarin. Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Philippine Army (PA) at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 14 para sa karagdagang puwersa upang masiguro ang seguridad ng lugar at ng crime scene.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa motibo ng pamamaril.