Arestado ang dalawang katao—kabilang ang isang menor de edad—matapos silang maaktuhang pumasok nang walang pahintulot sa bahay ng incumbent barangay kapitan na si Danilo Amis sa Purok Duranta, Barangay Kibleg, Upi, Maguindanao del Norte, madaling araw ng Setyembre 3.

Batay sa ulat ng Upi Municipal Police, nakatanggap sila ng tawag mula mismo sa bahay ng kapitan kaugnay sa insidente. Agad rumesponde ang mga pulis at nadakip ang dalawang suspek.

Sa isinagawang body search, narekober sa kanila ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.06 gramo, nakatago sa loob ng isang P50 bill, isang orange na lighter, at isang brown pouch.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Upi Municipal Police Station at haharap sa kasong Qualified Trespass to Dwelling at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.