Nagpahayag ng pangamba ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay sa kasalukuyang estado ng implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), matapos mabakante ang posisyon ng chairman ng peace implementing panel ng pamahalaan.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na muling iginiit ng organisasyon ang kanilang matibay na suporta sa ganap na pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan at sa layuning makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Gayunman, inanunsyo ng MILF ang pansamantalang paghinto sa ilang bahagi ng pakikipag-ugnayan sa mga mekanismo ng implementasyon ng kasunduan.
Ipinaliwanag ng grupo na ang hakbang ay dulot ng kawalan ng itinalagang pinuno ng peace implementing panel ng pamahalaan matapos ang pagbibitiw sa puwesto ng dating chairman nito.
Ayon sa MILF, mahalagang may opisyal na kinatawan ang magkabilang panig upang maipagpatuloy ang mga pormal na usapin at desisyon kaugnay sa implementasyon ng kasunduan, dahil nakabatay sa joint at mutual na aksyon ang mga mekanismong itinatag sa ilalim ng CAB.
Dahil dito, sinabi ng MILF na hindi muna sila maaaring magsagawa ng mahahalagang negosasyon hangga’t wala pang opisyal na counterpart mula sa panig ng pamahalaan.
Sa kabila nito, tiniyak ng organisasyon na magpapatuloy ang operasyon ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group upang mapanatili ang katahimikan at agarang matugunan ang anumang insidente sa mga komunidad sa Bangsamoro.
Binigyang-diin din ng MILF na ang mga nakamit na tagumpay sa peace process ay bunga ng mahabang panahon ng negosasyon, sakripisyo, at pagtutulungan ng magkabilang panig.
Umaasa naman ang organisasyon na agad na makapagtatalaga ang pamahalaan ng bagong chairman ng peace implementing panel upang maibalik ang normal na operasyon ng mga mekanismo sa ilalim ng kasunduan at maipagpatuloy ang mga nakabinbing usapin sa implementasyon ng CAB.

















