Nagsimula ang insidente ng kaguluhan sa Nabalawag noong gabi ng Pebrero 10, matapos magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng grupo ni Barangay Captain Ismael Tayuan ng Barangay Kudarangan at ng grupo ni Barangay Captain Sandigan ng Barangay Ulandang.
Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, Spokesperson ng 6th Infantry “Kampilan” Division, walang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig sa unang gabi ng sagupaan.
Gayunman, nagpatuloy ang tensyon kinabukasan. Bandang alas-7:50 ng umaga ng Pebrero 11, muling sumiklab ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo.
Sa kasagsagan ng putukan, isang ligaw na bala ang tumama sa ulo ng isang limang taong gulang na mag-aaral sa isang kalapit na paaralan. Dahil sa tinamong tama ng bala, nasawi ang bata.
Matapos ang insidente, nagsagawa ng joint operations ang Nabalawag PNP, kasama ang tropa ng 33rd Infantry Battalion at iba pang yunit sa lugar, upang tukuyin ang pinagmulan ng putok at ang mga sangkot sa insidente.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ang ilang matataas na kalibre ng baril, kabilang ang mga M16 rifles.
Ang mga nasamsam na armas ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Nabalawag para sa beripikasyon kung ang mga ito ay rehistrado o hindi, at kung kabilang ba sa imbentaryo ng government forces.
Isinasailalim ang mga ito sa masusing imbestigasyon para sa kaukulang aksyon.
Samantala, may mga ulat na nagkaroon na umano ng pagkakaayos ang dalawang panig bago ang insidente, subalit sinasabing muling sumiklab ang alitan.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng panibagong tensyon at kung may iba pang insidenteng nagbunsod sa panibagong sagupaan.

















