Tatlong dating rebelde na nasa pangangalaga ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army ang ginawaran ng Safe Conduct Pass sa isang seremonyang isinagawa nitong Hunyo 11, 2025, sa CNX-II Building, Notre Dame Village, Rosary Heights VIII, Cotabato City.
Dalawa sa mga ito ay mula sa kustodiya ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion, habang ang isa naman ay nasa ilalim ng 38th Infantry (We Clear) Battalion. Ang mga dating rebelde ay kasalukuyang amnesty applicants at bahagi ng patuloy na programa ng gobyerno para sa pagbabalik-loob ng mga dating kasapi ng armadong grupo.
Maliban sa kanila, dalawang indibidwal mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at isa mula sa Moro National Liberation Front (MNLF) ang nabigyan din ng Safe Conduct Pass bilang bahagi ng naturang seremonya.
Ayon sa National Amnesty Commission (NAC), ang Safe Conduct Pass ay nagsisilbing proteksyon para sa mga aplikante ng amnestiya laban sa posibleng pag-aresto habang isinasailalim sa proseso ang kanilang aplikasyon. Isa rin itong simbolo ng pagkilala at suporta ng pamahalaan sa kanilang desisyong talikuran ang armadong pakikibaka.
Binanggit ni NAC Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento sa kanyang pahayag na ang pamamahagi ng Safe Conduct Pass ay bunga ng pagkakaisa sa layuning makamit ang tunay na kapayapaan.
“Ang mga indibidwal na ito ay piniling talikuran ang karahasan at yakapin ang kapayapaan. Bilang gobyerno, tungkulin naming gabayan at suportahan sila sa prosesong ito ng pagbabagong-buhay,” ani Armamento.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor gaya ng MNLF, OPAPRU, pamahalaang BARMM, National Amnesty Commission, Joint Task Force Central, at Police Regional Office-BAR. Kabilang sa mga naroroon sina ICM Abdulraof A. Macacua, Atty. Jamar Kulayan ng NAC, Col. Rommel S. Pagayon ng 1BCT, at Police Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz ng PRO-BAR.
Sa isang panayam, muling ipinahayag ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang kanilang buong suporta sa mga dating rebelde:
“Ang Safe Conduct Pass ay hindi lamang dokumento, kundi simbolo ng tiwala at pag-asa. Nagsisilbi itong tulay sa pagbabalik nila sa lipunan bilang mapayapang mamamayan.”
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa mga natitirang miyembro ng mga armadong grupo na samantalahin ang amnesty program at maging bahagi ng mapayapang pag-unlad ng bansa.