Nakompleto na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota para sa gaganaping unang Bangsamoro Parliamentary Elections. Ito ang kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia.
Matatandaang pansamantalang nahinto ang printing matapos maisumite sa Kongreso ang panukalang batas na nagbago sa alokasyon ng pitong puwesto na dating inilaan para sa lalawigan ng Sulu. Makalipas ang ilang araw, muling itinuloy ng poll body ang proseso.
Ayon kay Garcia, natapos noong Linggo ang pag-iimprenta ng balota para sa Basilan, Tawi-Tawi, at sa Special Geographic Area (SGA), habang nauna nang sinimulan nitong Sabado ang para sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.
Kasabay nito, nakumpleto na rin ang beripikasyon para sa Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao del Sur, at SGA. Patuloy naman ang pagsusuri ng balota para sa Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, at Cotabato City na target matapos sa unang bahagi ng susunod na linggo.
Sa timeline ng komisyon, ang printing at beripikasyon ng mga balota ay itinakdang matapos sa pagitan ng Agosto 28 hanggang Setyembre 15, 2025, kabilang na rito ang pag-turnover sa Packing and Shipping Committee at ang distribusyon nito sa mga lugar ng halalan.