Tila naging palaisipan sa mga nag-iimbestiga at sa mga kaanak nito ang naging kamatayan ng isang binatilyo na taga Linangcob, Kidapawan City matapos matagpuan ang bangkay nito sa ilog ng Kili-kili sa bayan ng Wao, Lanao del Sur.
Sa mga paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang inanod at nalunod lamang ang 18-anyos na binatilyo na si Miguel Pace ngunit may hinala ang kanyang mga kaanak na biktima ito ng salvage o pinaslang ito tsaka itinapon sa ilog.
May mga ulat kasing kumakalat na nakakulong umano sa oblo ang binata bago ang insidente kaya’t palaisipan pa rin ang pagkakatagpo rito sa ilog.
Una nang naiulat ang pagkakakita sa inaagnas nang bangkay ng binata at nakilala lamang ito matapos na makuha sa kanya ang dala nitong ID card at rosaryo.
Nang makilala, agad na nakipag-ugnayan ang pamilya sa punerarya na kumuha sa bangkay ng binatang tinataya na na nasa isang linggo nang patay bago matuklasan.
Wala rin namang sugat o gunshot wound ang binata na magkukumpirma sa sinapit nito. Masusi pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Wao PNP hinggil sa nasabing insidente.