Isang guro ng Arabic studies ang natagpuang walang buhay sa tabi ng national highway sa Sitio Linamunan, Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kahapon ng hapon, Setyembre 8.
Kinilala ang biktima na si Abu Sadid Landasan, residente ng Barangay Lawili, Aleosan, North Cotabato.
Ayon sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police, pasado alas-dos y medya nang i-report ng isang residente ang pagkakadiskubre sa katawan. Pagdating ng mga awtoridad, tumambad ang bangkay ng lalaki na nakaitim na pantalon at jacket, at may suot na pink na pang-itaas na may tatak ng isang Islamic school.
Nakagapos ang mga kamay at paa ng guro at may mga tama ng bala sa dibdib at kanang braso. Lumalabas sa imbestigasyon na iniwan siya ng mga suspek gamit ang isang sasakyan bago paulanan ng putok. Tatlong basyo ng bala mula sa cal. 45 na baril ang narekober sa lugar.
Dinala pa ang biktima sa Datu Odin Sinsuat District Hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Samantala, ayon sa kanyang kaanak, huli siyang nakita sa Barangay New Panay, Aleosan kung saan pinasasaayos ang kanyang motorsiklo. Patungo na sana siya sa bayan ng Carmen para dalawin ang mga kamag-anak.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang tukuyin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.