Natagpuan na wala nang buhay ang isang 7-taong gulang na batang babae sa dalampasigan ng Tondaligan Beach, Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City, nitong Biyernes ng umaga, Agosto 15, 2025.
Sa inisyal na pagsusuri ng pulisya, nakita ang tatlong hiwa sa leeg ng biktima na indikasyong ginilitan ito. Wala rin itong saplot nang matagpuan, dahilan upang imbestigahan ang posibilidad ng panggagahasa.
Kinumpirma ni PLT. COL. Lawrence Keith Calub, hepe ng Dagupan City Police, na ang bangkay ay tumutugma sa ulat ng isang nawawalang bata mula sa Asingan, Pangasinan.
Batay sa imbestigasyon, bandang alas-6 ng gabi noong Huwebes, Agosto 14, nakita ang biktima na sumama sa isang taong kilala niya matapos huminto ang isang sasakyan sa kanilang bahay. Wala umanong pamimilit sa kanyang pag-alis. Bandang alas-7:40 ng gabi, isang sasakyang walang plaka ang namataan sa lugar ng krimen na pinaniniwalaang ginamit sa pagtapon ng bangkay.
Kinagabihan, naaresto ng PNP ang dalawang suspek sa kanilang bahay sa bayan ng Sison, Pangasinan. Ayon sa mga otoridad, nakuha ang mga ito base sa CCTV footage, testimonya ng mga saksi, at ebidensiyang nakalap. Lumabas din na ang ginamit na sasakyan ay isang rent-a-car mula Urdaneta City na pinalitan ng plaka.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong murder.
Patuloy ding iniimbestigahan ang ama ng biktima bilang person of interest matapos matukoy na siya ang nagrenta ng naturang sasakyan at may alitan sa ina ng bata. Lumabas sa DNA test na hindi tunay na anak ng ama ang biktima, na tinitingnan bilang posibleng motibo sa krimen.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya upang matukoy kung ang bata ay ginahasa bago pinatay. Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan at magsumite ng impormasyon upang mapabilis ang imbestigasyon.