Matapos ang halos isang araw na paghahanap, natagpuan na nitong Martes, Hulyo 29, 2025, ang bangkay ng isang Grade 8 student na nalunod sa Tamontaka River sa Cotabato City.

Kinilala ang biktima na si Joebel Juanilas, 14 taong gulang, residente ng PC Hill at mag-aaral ng Cotabato City National High School – Main Campus. Ayon sa Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO), bandang 2:15 ng hapon nang matagpuan ang kanyang katawan sa bahagi ng Barangay Kalanganan 2, isang araw matapos itong mawala.

Sa ulat ni CCDRRMO head Rashman Nazzer Lim, nalaman na nagpunta sa ilog si Joebel kasama ang kanyang mga kaibigan noong Lunes. Ngunit naiwan umano ito sa lugar at pinaniniwalaang nadulas, nabagok ang ulo, at hindi na nakalutang pabalik.

Sa isinagawang retrieval operation, nagtulungan ang CCDRRMO, Barangay Tamontaka Mother, mga BPAT member, BARMM READi, Police Station 3, Maguindanao Maritime Police, at ang Philippine Coast Guard. Aminado si CCDRRMO head Rashman Nazzer Lim na naging hamon ang operasyon dahil sa masamang kondisyon ng panahon at malakas na agos ng tubig sa ilog.

Dahil sa insidente, muling nagpaalala ang CCDRRMO head sa publiko na iwasan ang pagligo o pagtambay sa mga ilog, lalo na kung delikado ang panahon. Inirerekomenda rin niya ang pansamantalang pagbabawal sa paglapit sa lugar at paglalagay ng harang o babala upang maiwasan ang kaparehong trahedya.