Natagpuan na ng mga otoridad ang bangkay ng 28-anyos na si Christian Paul Remollo, o mas kilala bilang “Dodong,” sa bahagi ng dagat sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Matatandaang noong gabi ng Biyernes, Hunyo 21, naligo si Remollo sa Dalisay Resort sa Sitio Mondalay, Barangay Badak, ngunit bigla itong nawala at hindi na muling nakita.

Pinaniniwalaang nalunod ang biktima matapos umanong maligo habang nasa impluwensya ng alak. Simula pa noong Biyernes ng gabi, walang tigil ang ginawang search and rescue operation ng MDRRMO Datu Odin Sinsuat kasama ang emergency responders at mga residente.

Ngayong araw, Hunyo 24, matagumpay nang narekober ang katawan ni Remollo malapit sa lugar kung saan siya huling namataan.

Nagpaabot ng pasasalamat ang kanyang pamilya sa lahat ng tumulong at nakiisa sa paghahanap.