Muling tiniyak ng Bangsamoro Government at ng Pambansang Pamahalaan ang kanilang pagtutulungan para sa kapayapaan at pag-unlad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sa Local Government Peace and Development Summit 2025 sa Metro Manila, binigyang-diin ni Chief Minister Abdulraof Macacua na ang paglalakbay ng Bangsamoro ay hindi lamang tungkulin ng isang grupo, kundi sama-samang pananagutan ng pamahalaan, mga lider-tradisyunal, at ng mamamayan.

Aniya, “Sa pagkakaisa mapapatunayan nating gumagana ang awtonomiya, matatag ang kapayapaan, at mananaig ang katarungan.”

Nagpahayag din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng suporta, at pinuri ang mga hakbang ng BARMM para sa kapayapaan. Giit ng Pangulo, kasama ng buong pamahalaan ang BARMM sa adhikaing magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.

Mahalaga rin umano ang papel ng mga local government units o LGUs sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nagtapos sa matagal na armadong tunggalian sa rehiyon.

Sa nasabing summit, tinalakay ang kalagayan ng seguridad at pamamahala sa BARMM, Bangsamoro Local Governance Code, at mga hakbang tungo sa makatarungan at mapayapang Bangsamoro.

Layunin nitong mas pagtibayin ang pamamahala at masiguro ang maayos at walang sigalot na mga LGU sa rehiyon.