Ibinahagi ni Member of Parliament Atty. Suharto M. Ambolodto, MNSA ang kanyang pakikibahagi sa pagpupulong kasama sina Assistant Secretary for Special Programs and ODA Arnel de Mesa at Assistant Secretary for Agribusiness and Marketing Assistance Service Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra ng Department of Agriculture – Philippines, kasama rin si Food and Agriculture Organization (FAO) Assistant Director General for Fisheries Manuel Barrange.

Sa nasabing pagpupulong, binigyang-diin ni ADG Barrange ang mahalagang papel ng pangingisda at aquaculture sa pagpapalakas ng food security sa bansa. Ipinaliwanag din niya na ang pagpapalawak ng aquaculture ay nakatutulong hindi lamang sa kaligtasan sa pagkain, kundi maging sa pagbawas ng labis na pag-asa sa mga produktong galing sa lupa.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang iba’t ibang programa at inisyatiba ng FAO at United Nations kaugnay ng food security at fisheries development, kabilang ang Global Seaweeds Initiative.

Ayon sa ulat, ang komersyal na seaweed farming ay unang ipinakilala noong dekada ’70 sa Tawi-Tawi, isa sa mga lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bunsod ng lumalaking pandaigdigang demand sa carrageenan, isang produktong mula sa seaweed na ginagamit bilang gelling agent.

Sa kasalukuyan, halos kalahati ng kabuuang produksyon ng seaweeds sa bansa ay nagmumula sa Bangsamoro region, dahilan upang maging isa ang Pilipinas sa mga pangunahing exporter ng seaweeds sa buong mundo—mula sa raw at dried forms gaya ng red seaweed Eucheuma, hanggang sa mga processed products tulad ng carrageenan. Malaki rin ang ambag ng Bangsamoro sa supply ng isda sa bansa, na umaabot sa halos isang-katlo ng kabuuang produksyon ng Pilipinas.

Ipinahayag ni MP Ambolodto ang kanyang pasasalamat kay Dr. Lionel Dabbadie at sa FAO-Philippines sa pangunguna sa makabuluhang pagpupulong, gayundin sa Department of Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. sa pagpapakita ng malasakit sa industriya ng seaweeds sa Bangsamoro at sa kalagayan ng mga seaweed farmers sa rehiyon.