Pormal nang nanumpa si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Al-Hajj” Macacua bilang bagong pinuno ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) sa isang turnover ceremony na isinagawa ngayong araw, Hulyo 22, 2025. Gaganap siya sa naturang tungkulin sa kasalukuyang kapasidad bilang Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pinalitan ni Macacua si outgoing MILG Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, na itinalaga sa puwesto noong Disyembre 7, 2023. Sa kanyang pamamaalam, tiniyak ni Alba ang pagpapatuloy ng misyon ng ministeryo sa pagsusulong ng mabuting pamamahala at seguridad ng publiko sa rehiyon.
“I proudly hand over a ministry deeply committed to public safety, good local governance, moral governance, and unity,” pahayag ni Alba sa seremonya.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Chief Minister Macacua na kanyang pahahalagahan at palalawakin ang mga programang ipinatutupad ng MILG upang mas mapalakas ang suporta sa mga lokal na pamahalaan ng Bangsamoro.
“With humility and firm resolve, I accept the responsibility of leading the MILG while continuing to serve as the Chief Minister of the Bangsamoro region. This is a commitment to deepen our service to the Bangsamoro,” ani Macacua.
Ang sabayang pagganap ni CM Macacua bilang MILG Minister ay inaasahang magbibigay ng mas pinatibay na koordinasyon at integrasyon ng mga lokal na programa sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng BARMM.