Nakatakdang magsagawa ng Moon Sighting ang Bangsamoro Darul Ifta sa Pebrero 28, araw ng Biyernes, upang matukoy ang pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadhan para sa mga mananampalatayang Islam.

Pangungunahan ni Bangsamoro Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani ang naturang aktibidad, kung saan pitong grupo mula sa Darul Ifta ang itatalaga sa iba’t ibang lugar upang isagawa ang pagmamasid sa buwan.

Matapos ang Moon Sighting, iaanunsyo ni Mufti Guialani ang resulta nito. Ayon sa kanya, kung matatanaw ang buwan sa Pebrero 28, magsisimula ang pag-aayuno sa Marso 1. Subalit, kung hindi ito makita, awtomatikong magsisimula ang Ramadhan fasting sa Marso 2.

Samantala, binigyang-diin ni Sheikh Guialani na ang diwa ng buwan ng Ramadhan para sa mga Muslim ay hindi lamang tungkol sa pag-aayuno kundi pati na rin sa pagbibigayan, pagkakaisa, at pagpapalakas ng pananampalataya.