Mariing kinondena ng Bangsamoro Government ang naganap na ambush sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Marso 28, 2026, na ikinasawi ng limang tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Sa opisyal na pahayag ni Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua, binigyang-diin ang matinding pagkondena sa naturang karumal-dumal na insidente at ang agarang utos sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon. Layunin nitong matukoy at mapanagot ang mga salarin alinsunod sa batas.
Ipinahayag din ng pamahalaan ang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing pulis. Tiniyak ng Bangsamoro Government ang kanilang suporta at tulong sa mga apektadong pamilya sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Nanawagan din ang pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa patuloy na imbestigasyon.
Iginiit pa ng Bangsamoro Government ang kanilang matibay na paninindigan na itaguyod ang kapayapaan, katarungan, at kaayusan sa buong rehiyon.

















