Nagpaabot ng tulong ang Bangsamoro Government at mga katuwang nitong ahensya sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa lalawigan ng Cebu noong Setyembre 30, 2025. Ang pamamahagi ng mga ayuda ay isinagawa noong Oktubre 4, Sabado, bilang bahagi ng agarang pagtugon ng rehiyonal na pamahalaan sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Ang inisyatibo ay ipinatupad matapos ang direktiba ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, na nag-atas sa Ministry of the Interior and Local Government (MILG) na agad magsagawa ng emergency response meeting upang mapabilis ang koordinasyon at aksyon ng mga tanggapan ng Bangsamoro Government.

Kabilang sa mga naipagkaloob na tulong ang 700 hygiene kits mula sa Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi); 970 water kits, 750 dignity kits, at 200 modular tents mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD); at 445 bag ng dugo mula sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).

Ayon kay Murad Tampar, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer I ng Bangsamoro READi, ang mabilis na paghatid ng tulong ay nagpapakita ng proaktibong pagtugon at malasakit ng pamahalaang Bangsamoro sa mga mamamayang nangangailangan, lalo na sa panahon ng mga sakuna.

Binanggit ni Tampar na ang kanilang ginawang pagtulong ay patunay ng pakikiramay at pagkakaisa ng Bangsamoro Government sa mga Cebuanong naapektuhan ng lindol, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng rehiyon na magbigay ng tulong sa kapwa Pilipino saan mang panig ng bansa.

Ang operasyon ng pamamahagi ng ayuda ay naisakatuparan sa pamamagitan ng aktibong koordinasyon ng Office of Civil Defense (OCD) – Bangsamoro Autonomous Region, OCD Region VII, at Philippine Air Force Tactical Operations Group (PAF TOG XII).

Matatandaang alas-9:59 ng gabi noong Setyembre 30 nang yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang lalawigan ng Cebu. Agad namang nagsimula ang pagbibigay ng tulong mula sa iba’t ibang rehiyon, kabilang na ang Bangsamoro Government, bilang pagpapakita ng pagmamalasakit, pagkakaisa, at pagtutulungan ng mga Pilipino sa harap ng trahedya.

All photo credits to BARMM READI