Sa gitna ng nararanasang lindol sa Davao Region, nagpaabot ng tulong ang Bangsamoro Government sa pamamagitan ng programang Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government (AMBaG) upang matiyak ang patuloy na pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga nangangailangan.
Pinangunahan ni Cabinet Secretary at AMBaG Program Manager Mohd Asnin K. Pendatun ang paglilipat ng pondo na nagkakahalaga ng ₱10 milyon sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City noong Oktubre 16, 2025.
Masayang tinanggap ni Medical Center Chief II Ricardo B. Audan, MD, FPAFP ang pondo na layuning suportahan ang mga pasyenteng mula sa Davao Region, lalo na ang mga naapektuhan ng mga sakuna.
Mula nang simulan ang programa noong 2020, umabot na sa 1,478 pasyente ang natulungan ng AMBaG sa pamamagitan ng mga partner hospitals nito.
Ang pondong ito ay nakalaan hindi lamang para sa mga mahihirap na pasyente kundi pati na rin sa mga biktima ng lindol, baha, at iba pang kalamidad patunay sa patuloy na kalinga at serbisyo ng Bangsamoro Government para sa lahat.