Pinalakas pa ng Bangsamoro Government ang kampanya laban sa child labor sa rehiyon ng BARMM sa pamamagitan ng isinagawang aktibidad para sa nalalapit na World Day Against Child Labor (WDACL) noong Hunyo 4.

Pinangunahan ito ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) sa tulong ng Bureau of Employment Promotion and Welfare (BEPW) para itaguyod ang karapatan, edukasyon, at kapakanan ng mga batang Bangsamoro.

Ayon kay MOLE Deputy Minister Tommy Nawa, mahalaga ang proteksyon sa dignidad at kinabukasan ng mga bata upang makamit ang maayos na pamumuhay.

Sinabi naman ni BEPW Director Sara Jane Sinsuat na patuloy nilang isinusulong ang kampanyang “Batang Malaya” upang labanan ang anumang uri ng trabaho na mapanganib para sa mga bata tulad ng pagtitinda sa palengke, pamamasada, o pagbubuhat ng mabibigat na bagay.

Kasama ang mga lokal na pamahalaan, magsasagawa ang Bangsamoro Government ng iba’t ibang aktibidad gaya ng community dialogues, edukasyonal na programa, at kampanya para palakasin pa ang laban sa child labor.

Ang tema ngayong taon ay: “Progress is clear, but there’s more to do: Let’s speed up efforts!”
Ang WDACL ay ginugunita tuwing Hunyo 12 kada taon mula noong 2002, bilang pagtutol sa child labor sa buong mundo.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng 12-point priority agenda ng kasalukuyang pamahalaan para sa inclusive development ng mga batang Bangsamoro.