Nagpaabot ng taus-pusong pakikiramay ang Bangsamoro Government sa mga mananampalatayang Katoliko sa rehiyon at sa buong Simbahang Katolika kaugnay ng pagpanaw ng kasalukuyang Santo Papa na si Jorge Mario Bergoglio, mas kilala bilang Pope Francis.
Sa opisyal na pahayag na inilabas ng tanggapan ni Chief Minister Sammy Gambar Macacua kahapon, binigyang-diin nito ang matinding kalungkutan sa pagyao ng Santo Papa na itinuring niyang simbolo ng pag-asa at tagapagtaguyod ng kapayapaan, katarungan, at pagkakaisa—anumang pananampalataya ang kinabibilangan ng bawat isa.
Tinawag din ni Chief Minister Macacua si Pope Francis bilang isang bukal ng moral clarity dahil sa kanyang walang pagod na panawagan sa mga lider ng mundo na wakasan na ang digmaan at lutasin ang mga sigalot sa mapayapang paraan. Aniya, ang mga pahayag ng Santo Papa ay hindi lamang simpleng salita, kundi mga makabuluhang paalala sa kahalagahan ng pagiging makatao at mapagmalasakit sa kapwa.
Sa pagtatapos ng pahayag, ipinahayag ng Bangsamoro Government ang pakikiisa nito sa mga kapatid na Kristiyano sa pagluluksa at dalamhati sa pagpanaw ng tinaguriang “People’s Pope” na si Pope Francis.