Mariing kinokondena ng Pamahalaang Bangsamoro ang malagim na pamamaril sa Bondi Beach, Australia, na ikinamatay ng ilang sibilyan. Ayon kay Chief Minister Abdulraof Macacua, walang lugar sa lipunan ang ganitong karahasan at taliwas ito sa mga pagpapahalaga sa kapayapaan, buhay, at dignidad ng tao.

Mariing itinanggi rin ng Pamahalaang Bangsamoro ang anumang pagtatangkang iugnay ang mga suspek sa Mindanao, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Aniya, patuloy ang rehiyon sa pagtataguyod ng kapayapaan sa pamamagitan ng inklusibong pamamahala, pagtitiwala ng komunidad, at mga proyekto para sa kaunlaran.

Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, wala umanong natanggap ang mga suspek na pagsasanay militar o ekstremismo habang bumisita sa Mindanao. Ang kanilang pananatili ay para lamang sa libangan, at walang naitalang aktibidad ng ekstremismo sa rehiyon kaugnay sa kanila.

Nagpahayag din ang Pamahalaang Bangsamoro ng pakikiisa sa mga biktima, kanilang pamilya, at sa mamamayan ng Australia. Nanawagan ang pamahalaan sa lahat na iwasan ang spekulasyon at walang basehang akusasyon na maaaring makasagasa sa mga pagsusumikap na magtayo ng kapayapaan at pagkakaisa sa lipunan.